Ano ang Dula?
Madalas na ang mga unang pumapasok sa ating isipan kapag naririnig ang salitang Dula ay ang entablado at mga aktor na umaarte rito. Ito ay nahahati sa ilang yugto at ang bawat yugto’y maraming tagpo.
Ang dula ay mayroon ding sangkap. Ito ay ang simula, gitna at wakas. Ang mga sangkap nitong tagpuan, tauhan at sulyap sa suliranin ay mamamalas na sa simula. Ang saglit na kasiglahan, ang tunggalian, at ang kasukdulan ay matatagpuan sa gitna. Ang kakalasan at ang kalutasan naman ay matatagpuan sa wakas.
Ngunit ang Dula ay hindi lamang sa entablado makikita. Ito ay hango sa diwa ng mimesis o ang panggagagad o panggagaya sa mga nagaganap sa totoong buhay. Ang isang bata na ginagaya ang paraan ng pagkilos at pagsasalita ng isang matanda ay matatawag nang pagsasadula.
Bago pa ang konsepto ng entablado sa Pilipinas, ginagawa na ng mga katutubo ang panggagagad sa pamamagitan ng mga ritwal, sayaw, at awit na may diwa ng iba’t-ibang mahahalagang pangyayari sa buhay ng isang tao o tribo. Sa pamamagitan ng mga Dula, naipapaniwala sa isang lipi ang kultura at naipapasa ang tradisyon sa susunod na saling lahi.
Mga Uri ng Dula
Komedya
•Katawa-tawa, magaan sa loob dalhin ang tema, at ang mga tauhan ay laging nagtatagumpay sa wakas.
Trahedya
•Kung ang tema nito’y mabigat o nakasasama ng loob kaya nakakaiyak, nakalulunos ang mga tauhan, karaniwang sila ay nasasadlak sa kamalasan, kabiguan, kawalan, at maging sa kamatayan, kaya nagwawakas na malungkot.
Melodrama o Soap Opera
•Kung ito’y sadyang namimiga ng luha sa manonood na parang wala ng masayang bahagi sa buhay ng tahanan kundi pawang problema na lamang ang nangyayari sa araw-araw. Ito’y karaniwang mapanonood sa mga de seryeng palabas.
Tragikomedya
•Kung magkahalo ang katatawanan at kasawian gaya ng mga dula ni Shakespeare na laging may mga tauhang katawa-tawa tulad ng payaso para magsilbing tagapagpatawa, subalit sa huli’y nagiging malungkot na dahil nasasawi o namamatay ang bida o ang mga bida.
Mga sangkap sa dula
Ang dula ay mayroon ding tatlong sangkap
1. Simula - mamamalas dito ang tagpuan, tauhan, at sulyap sa suliranin.
2. Gitna - matatagpuan ang saglit na kasiglahan, ang tunggalian, at ang kasukdulan.
3. Wakas - matatagpuan naman dito ang kakalasan at ang kalutasan
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento