Miyerkules, Agosto 31, 2016

Nasaan ang Paraiso?






At naglagay ang Panginoong Dios ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silanganan: at inilagay niya roon ang taong kaniyang nilalang.
At pinatubo ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat na punong kahoy na nakalulugod sa paningin, at mabubuting kanin; gayon din ang punong kahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punong kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.
At may isang ilog na lumabas sa Eden na dumilig sa halamanan; at mula roo’y nabahagi at nag apat na sanga.
Ang pangalan ng una ay Pison: na siyang lumiligid sa buong lupain ng Havilah, na doo’y may ginto;  At ang ginto sa lupang yao’y mabuti; mayroon din naman doong bedelio at batong onix.
At ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang lumiligid sa buong lupain ng Cush. At ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hiddecel, na siyang umaagos sa tapat ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
—Genesis 2:8-14

Timog Iraq
Maraming eksperto sa Bibliya ang naniniwala na ang Paraiso (o Garden of Eden), ang orihinal na tahanan nina Eba at Adan, ay matatagpuan sa Sumer, kung saan nagtatagpo ang mga ilog na Eupfrates at Hiddecel (o Tigris) sa Iraq.
Naniniwala sila na ang lugar na binabanggit sa Genesis ay repleksiyon ng sitwasyon noong ika-siyam at limang siglo B.C. habang ang Pison at Gihon ay mga sanga ng Eufrates at Tigris na nawala o natuyo na.

Israel
Mayroon namang nagsasabi na ang Garden of Eden ay matatagpuan sa tinaguriang Holy Land at ang orihinal na ilog na dumadaloy sa hardin bago ito nagsanga sa apat ay ang Jordan, na mas mahaba noong panahon ng Genesis.
Ang Gihon, anila, ay ang ilog Nile habang ang Havilah ay ang Arabian Peninsula.
Iniugnay din ng propetang si Ezekiel ang Eden sa Herusalem.
Sa Ezekiel 28:13-14, isinulat niya na, “Ikaw ay nasa Eden, na halamanan ng Dios; lahat na mahalagang bato ay iyong kasuutan, ang sardio, ang topacio, at ang diamante, ang berilo, ang onix, at ang jaspe, ang zafiro, ang esmeralda, at ang karbungko, at ang ginto: ang pagkayari ng iyong pandereta at iyong mga plauta ay napasa iyo; sa kaarawan na ikaw ay lalangin ay nangahanda.
Ikaw ang pinahirang kerubin na tumatakip: at itinatag kita, na anopa’t ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Dios; ikaw ay nagpanhik manaog sa gitna ng mga batong mahalaga.
” Sa tradisyong Hudyo at Kristiyano, ang “banal na bundok ng Dios” ay ang Mt. Moriah sa Herusalem.
Naniniwala sila na ang buong hardin ay nasasakop ang Herusalem, Betlehem at Mt. Olivet.

Africa
Dahil kinukunsidera na sina Adan at Eba ang unang tao at dahil ang pinakamatandang labi ng tao ay natagpuan sa hilagang Africa kaya malamang, hirit nila, matatagpuan ang Garden of Eden sa Africa.
Dagdag nila na ang Gihon ay isa sa mga umano’y pangalan ng ilog Nile sa Egypt.

Lemuria
Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, isang teorya ang lumutang hinggil sa kontinente na umano’y sumakop sa malaking bahagi ng Indian Ocean.
Ang pangalang Lemuria ay nilikha ni P.L. Sclater, isang scientist, bilang pagkilala sa mga klase ng hayop sa ilalim ng pamilya ng lemur na matatagpuan lamang sa India at Madagascar, pero hindi makikita sa Africa o Gitnang Silangang Asya.
Iminungkahi naman ng ilang scientist na ang Lemuria ang sinilangan ng kabihasnan ng tao kaya posibleng ito ang lugar kung saan matatagpuan ang Garden of Eden.

Hilagang Turkey
Naniniwala naman ang ibang nag-aaral ng Bibliya na kung ang apat na ilog ay umaagos mula sa hardin, malaki ang posibilidad na ang hardin ay matatagpuan sa hilaga ng sibilisasyong Tigris-Eufrates.
Ipinalagay nila ang lugar sa hilagan Anatolia, partikular sa bulubundukin ng Armenia sa hilagang Turkey.

Egypt
Sinasabi ng mga supporter ng Egypt bilang posibilidad na lokasyon ng Garden of Eden na ang lupain sa rehiyon ng ilog Nile ay swak na swak sa deskripsyon ng lupa na nababasa, hindi ng ulan, kundi ng “ambon” na nagmumula mula sa lupa.

inkiang, China
Isinulong ni Tse Tsan Tai sa kanyang librong “The Creation, the real situation of Eden, and the Origin of the Chinese” na nasa Tukestan na sakop ng China ang halamanan.
Giit niya na ang ilog na dumadaloy sa Eden ay ang Tarim, na mayroong apat sa sanga. ---ets remle madrano